NAGBIBIRO ang isa kong kaibigan na malaki raw ang naitutulong ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa kampanya ng pamahalaan noon at ngayon, tungkol sa population reduction bunsod ng araw-araw na pagpatay sa mga drug pusher, user (may naitumba na bang bigtime drug lord?). Habang sinusulat ko ito, nasa 1,900 na ang kabuuang bilang ng binawian ng buhay bunga ng police operations at vigilantes.

Umaapaw na ang populasyon ng Pilipinas dahil sa hindi mapigilang “panggigigil” ng mag-asawang Pilipino sa kabila ng mga payo, babala, impormasyon at edukasyon ng Simbahan, pro-life groups, gobyerno na maghinay-hinay muna sa “paggawa” ng mga bata. Hoy, Mister, tigilan mo muna si Misis para makatulong ka sa population reduction. Hoy, Misis, tigilan mo muna ang pangangalabit kay Ginoo at hayaang magpahinga at matulog na lang.

Kapag si Mano Digong ay nanatili sa puwesto sa loob ng anim na taon at kapag nagpatuloy ang pagpatay ng 10-13 pushers araw-araw, kayo na dear readers ang tumuos (mahina kasi ako sa Math) kung ilang Pinoy ang nabawas sa may 100 milyong mamamayan na ngayon ay naninirahan sa naghihirap at nagdurusang Pilipinas.

Samakatuwid, dalawang bagay o legacy ang maiiwan ni President Rody sa pagbaba niya sa puwesto: Paglipol sa illegal drugs at pagpapababa sa populasyon ng ‘Pinas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Noong Miyerkules, naging laman ng mga pahayagan ang ganitong mga balita: “SC stops plan to bury Marcos at Libingan”; “US killings, a concern too--Duterte”; “NBN-ZTE informant gets jail term”; “How ‘magic’ at NAIA baggage lines works”; “Sandigan suspends JV over firerarms purchase”. Batay sa ganitong uri ng mga balita, makikita ang galaw at sitwasyon sa ‘Pinas na hanggang ngayon ay hindi makalaya sa kaguluhan, intriga, kahirapan, kagutuman atbp.

Suriin nating mabuti. Sa layunin ni Mano Digong na mag-move on na ang bansa at mapag-isa ang mga Pilipino, ipinasiya niyang mailibing ang diktador na si Marcos sa Libingan ng Mga Bayani (LNMB) sa katwirang siya ay dating pangulo at sundalo. Sa halip na mapag-isa ang mga mamamayan, muling nanariwa ang sugat ng kahapon na dulot ng martial law at kalupitan nito, muling sumiklab ang galit ng mga tao at martial law survivors sa mga Marcos. Bakit daw hindi na lang ilibing si FM sa Batac, Ilocos Norte na roon ay dinadakila siya, isang bayani at minamahal?

Ipinasiya ng Supreme Court (SC) na harangin ang plano ng Duterte administration na mailibing ang bangkay ng diktador sa Libingan. Sinabi ni SC spokesman Theodore Te na nag-isyu ang 15-member ng high court ng status quo anti-order na nag-aatas sa gobyerno na huwag ituloy ang paglilibing sa loob ng 20 araw habang dinirinig ang mga argumento ng magkabilang panig. Pansamantala, ang sugat na likha ng martial law ay hindi na masyadong magnanaknak dahil sa desisyon ng SC. Abangan pa rin natin ang susunod na kabanata! (Bert de Guzman)