Mga laro ngayon
(Smart-Araneta Coliseum)
4:30 n.h. -- Alaska vs Blackwater
6:45 n.h. -- Star vs Ginebra
Makapantay sa Mahindra sa ikalawang puwesto ang tatangkain ng crowd favorite Barangay Ginebra sa pagsalang kontra sister squad Star sa tampok na laro ngayong gabi ng 2016 PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Katabla ng defending champion San Miguel Beer ang Gin Kings sa ikatlong posisyon taglay ang barahang 5-2, isang panalo ang layo sa Mahindra na naitala ang pang- anim na panalo sa walong laro matapos dungisan ang dating walang talo at lider na Talk ‘N Text, 107-104, nitong Biyernes.
Hangad ni Ginebra coach Tim Cone na dugtungan ang naitalang panalo sa San Miguel kamakailan. Sa nasabing laro na inialay ni Cone sa namayapang si hall-of-famer Virgilio ‘Baby’ Dalupan, naipamalas ng Kings ang kakaibang determinasyon.
Sa panig ng Hotshots,asam nila ang mailap na ikalawang panalo upang makaangat sa kinalalagyan sa ilalim ng standings.
Tatangkain din ng Star na maputol ang kinasadlakang tatlong dikit na pagkabigo kasunod ng unang panalo kontra Globalport.
Mauuna rito,magtutuos ang Alaska (2-5) at kulelat na Blackwater sa ganap na 4:30 ng hapon. (Marivic awitan)