KAPANALIG, ang Simbahan ngayon ay nagbabago dahil ang tao ay nagbabago. Ang Pilipino ay nagkakaroon na ng iba’t ibang paraan upang makadaupang-palad ang isa’t isa. Iba-iba na rin ang kanilang ekspresyon, iba na rin ang kanilang mga instrumento.

Sa ating bayan ngayon, ang nagiging pangunahing instrument ng komunikasyon ng lipunan ay ang social media. Kapanalig, dati rati, broadcast media ang palitan ng balita at kuro-kuro sa lipunan. Ang karugtong o sagot ng balita ay bukas pa. Sa ngayon, halos instant. Ang isang statement o pahayag ay maaaring masagot agad ng mga kasangkot kahit hindi pa tapos ang isang press conference. Ngunit, kapanalig, tandaan: wala sa bilis o bagal ng balita ang katotohan. At ang katotohanan, laging “relevant” o akma sa panahon. Ang katotohanan ang lagi ring sandigan ng Simbahan.

Ngayong panahon na umaarangkada ang teknolohiya, ang katotohanan ay nagkaroon na ng maraming bersyon. Marami na rin ang kasinungalingan. Kapanalig, alam niyo ba na may pag-aaral na nailathala sa Proceedings of the National Academy of Sciences sa USA noong Disyembre 2015 ukol sa malawak na misinformation na nagaganap sa worldwide web ngayon? Base sa pag-aaral, “users mostly tend to select and share content according to a specific narrative and to ignore the rest.”

Ang pagpili ng ating mga binabasa at pinopost sa social media ay hindi objective: ito ay dahil sa tinatawag na “confirmation bias.” Kadalasan, kinukumpirma lamang ng ating mga post ang ating paniniwala, at ang ating paniniwala, kapanalig, ay hindi natin masasabi na lahat ay totoo o base sa katotohanan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ayon pa sa pag-aaral, “Users tend to aggregate in communities of interest, which causes reinforcement and fosters confirmation bias, segregation, and polarization. This comes at the expense of the quality of the information and leads to proliferation of biased narratives fomented by unsubstantiated rumors, mistrust, and paranoia.” Ang World Economic Forum, kapanalig, ay nagsabi noong 2013 na ang matinding misinformation na ating nararanasan ngayon ay isa na sa pinakamalaking banta sa pandaigdigang lipunan. Tinawag nila itong “digital wildfire” kung saan ang misinformation sa Internet ay maaaring magdala ng “real world danger.”

Ngayon, ang panawagan para sa katotohanan ay mas maigting at mahalaga. Ang panawagan na ito ay hindi para gibain ang ating paniniwala ngunit upang gawin itong dalisay. Ang Simbahan, kapanalig, na binubuo nating lahat, ang hinahamon ng panahon at mga pangyayari. Sabi nga ni Hesus, “The truth will set you free.” At ang katotohanan ay nag-uudyok sa atin na kumilos ngayon.

Ang social media ay isang instrumento na nilikha upang madali at mabilis na komunikasyon. Hindi ito nilikha upang maghasik ng takot, lagim at galit sa sangkatauhan. Baguhin natin kapanalig, ang ating paggamit sa teknolohiya. Pagmamahal at katotohanan ang ating ipalaganap, huwag tayong magkalat ng mga ‘di beripikadong balita mula sa mga kaduda-dudang sources.

Ang ating angking dignidad bilang anak ng Diyos at bilang isang Pilipino ay nangangahulugan na tayo ay karapat-dapat sa katotohan at nararapat na lagi ring magbigay ng katotohanan. Huwag sana natin itong makalimutan sa gitna ng naglilipanang kasinungalingan. (Fr. Anton Pascual)