DAVAO CITY – Ipinag-utos ni Mayor Sara Z. Duterte ang pagsasampa ng kaso laban sa isang lalaki na umano’y pumatay sa tatlong taong gulang na anak ng kanyang kinakasama matapos niya itong bugbugin makaraang ipasok sa sako sa siyudad na ito.

Sinabi ni Duterte na kukuha siya ng isang pribadong prosecutor para masampahan ng karampatang kaso si Sonny Boy Mendoza, 22, at ang lahat ng walang ginawa upang mailigtas ang buhay ni Kean Gabriel, kabilang na ang ina ng huli.

Ayon kay Duterte, magkahalong galit at paghihinagpis ang naramdaman niya sa pagkamatay ng paslit, na paulit-ulit umanong sinaktan ni Mendoza habang nasa loob ng sako sa Barangay Matina Pangi, nitong Miyerkules.

Biyernes ng umaga nang sumugod ang alkalde sa bahay ng biktima upang personal na kausapin ang mga kaanak nito.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“Dapat i-report ninyo ang mga kaso sa pag-abuso sa mga bata, mga kaso sa rape...ayaw ninyo binuangi ang mga bata (huwag n’yong sasaktan ang mga bata),” sinabi ng alkalde sa lolo ng biktima na si Ruben.

Agad namang naaresto si Mendoza, gayundin ang ina ng paslit bilang kasabwat.

Nagpadala rin ng isang grupo mula sa Davao City Social Services and Development Office upang alagaan ang iba pang anak ng mag-asawa, kabilang ang isang-taong gulang. (Yas D. Ocampo)