Olympic Committee ng Kenya, binuwag sa katiwalian.
NAIROBI, Kenya (AP) — Binuwag ng pamahalaan ang National Olympic Committee of Kenya (NOCK) nitong Biyernes habang isinailalim sa imbestigasyon ang mga opisyal hinggil sa alegasyon ng kapabayaan sa kampanya ng bansa sa katatapos na Rio Olympics.
Ayon kay Kenya Sports Minister Hassan Wario, ang samu’t saring kontrobersya na kinasangkutan ng mga opisyal mula sa doping, korupsyon, pagsama ng ineligible athletes, nawalang plane ticket at hidwaan ng mga atleta sa opisyal, ang nagpababa sa morale ng mga atleta na sumabak sa Summer Games.
Sa kabila nito, nakapaguwi ang Kenya ng anim na ginto, anim na silver at isang bronze mula sa Rio.
Batay sa Sports Act Number 25 na pinagtibay noong 2013, may kapangyarihan ang pamahalaan, ayon kay Wario na magsagawa ng pagbabago sa NOC sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga bagong opisyal at pagsasabay ng imbestigasyon.
“I do hereby disband the National Olympic Committee of Kenya with immediate effect, and transfer their responsibilities to the Sports Kenya as the interim custodian, who will ensure the adoption of a new constitution and setting of the election calendar,” pahayag ni Wario.
Iginiit naman ni NOCK secretary general Francis K. Paul na walang kapangyarihan si Wario para magdesisyon hinggil dito, higit at nasa pangangasiwa ang lahat ng NOC sa kapangyarihan ng International Olympic Committee (IOC).
“We have not given our report and, from it, maybe you may find other things and you may find we were not in the wrong because we will give an account of all uniforms that we received, and all the uniforms that were distributed, and to whom,” aniya.
“We did what we were supposed to do, and you should ask the right people for answers. We did our job very well. We will not move from our offices, we do not occupy a government building, and we pay our rent. We are going nowhere.”
Nagbuo si Wario ng eight-member probe committee, na kinabibilangan ng retirado nang atleta na sina Moses Kiptanui at Elizabeth Olaba, para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa ginawang paghahanda ng NOCK para sa Rio Games.