Tila isang masamang panaginip na kailanma’y hindi na mabubura sa isipan ng magkapatid, kapwa menor de edad, nang masaksihan ang pagpatay sa kanilang mga magulang sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Walang nagawa ang magkapatid na itinago sa mga alyas na “Arnold”, 11, at “Jerry”, 13, kundi maglulupasay sa tabi ng bangkay ng kanilang ama at ina na sina Vivian, 42, at Adrian, 32, ng Barangay Camarin ng nasabing lungsod.
Nagtamo ng bala ng cal. 45 ang mag-asawa nang pagbabarilin ng dalawang armado na kapwa nakasuot ng bonnet at face mask.
Base sa report, dakong 3:00 ng madaling araw, himbing sa pagkakatulog ang mag-anak nang biglang pasukin ng mga suspek ang bahay ng mga biktima at sunud-sunod na pinagbabaril sina Vivian at Adrian sa harap ng dalawang paslit.
Posible umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay sa mga biktima dahil nasa drug watch list umano ang mga ito at sumurender na sa Police Community Precinct (PCP) 5 kamakailan.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya kung sino ang mga nasa likod ng pamamaril. (Orly L. Barcala)