Apat na taon pa bago ang 2020 Tokyo Olympics, subalit sisimulan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang paghahanda para maibigay ang higit na ayuda sa mga atleta na may malaking tsansa na makaabot sa quadrennial Games.

Ayon kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez, inihahanda na ng pamahalaan ang karagdagang pondo para sa pagsasanay at international exposure para sa mga atletang may tsansa na makapasok sa Tokyo Olympics.

“Definitely, priority natin yung mga atleta nating nakalaro sa Rio. Kung may makikita tayong dagdag na atleta na may tsansa na magkwalipika sa Olympics, susuportahan natin sila,” sambit ni Ramirez.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Hindi na puwede ang bara-bara. Hindi tayo dapat na masanay sa tsamba. Dapat alam na natin kung sino talaga ang makakapagwagi ng medalya tulad sa ibang bansa na alam na nila kung sino sa kanilang mga atleta ang magwawagi bago pa man umalis dito patungo sa sasalihang torneo,” sabi ni Ramirez.

Isa sa tinukoy ni Ramirez na kasagutan sa hinahangad na direksiyon ay ang pagbubuo ng komprehensibong plano sa Philippine Sports Institute (PSI) at Philippine Center for Sports Medicine (PCSM) pati na rin ang pagdodoble sa badyet para sa pagsasanay ng mga atletang may potensiyal.

Tanging si weightlifter Hidilyn Diaz ang nagwagi ng medalya (silver) sa nakalipas na Rio Games at sa edad na 29 malaki pa ang potensyal na makalaban siya sa Tokyo.

“I take her word when she promised to the President in front of me that she will bring the gold in 2020. Ngayon pa lang sisimulan na natin ang target niya,” sambit ni Ramirez.

“We will double the budget for the training of our Olympic hopefuls,” aniya.

“Expect that magbabago talaga ang ating sistema because we are up to prioritize Olympics, second ang Asian Games at ikatlo ang Southeast Asian Games?,” pahayag ni Ramirez. (Angie Oredo)