“Dagdagan mo ang patay niyan.” Ito ang direktang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno nang ulitin ng huli ang paalala nito sa mga isinasangkot sa droga na magpaaresto lang kung may arrest warrant.
Sa kanyang talumpati sa 10th anniversary ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) sa Panacan, Davao City, sinagot ni Duterte ang pahayag ni Sereno, kung saan binigyang -diin ng Pangulo na delikado ang pahayag ng huli.
“Madam Justice, you are again wrong when you said, ‘do not allow yourself to be arrested if there is no warrant.’
Dagdagan mo ang patay niyan,” ayon sa Pangulo na nagsabing nag-iimbita umano ng kaguluhan ang Chief Justice.
“It is a very dangerous statement. You will promote anarchy. There is no anarchy under my watch,” ayon sa Pangulo.
Sinabi ng Pangulo na hindi umano siya susuportahan ng pulis at militar kung ang tinatahak ng kanyang administrasyon ay kaguluhan at walang sinusunod na batas.
“They will actually kill me first if that happened. They have no loyalty to me. You know these guys are loyal to the constitution and the flag. And for as long as I’m doing right, they will support me,” ayon sa Pangulo.
Hinimok ni Duterte si Sereno na maglakad sa kalye ng Maynila at silipin ang sitwasyon, kung saan halos lahat ng kriminal ay wala na umano. (Elena L. Aben)