Isang jeepney driver na malakas umanong manigarilyo ang natagpuang patay sa loob ng tinitirhan niyang jeep sa Paco, Maynila nitong Biyernes.
Kinilala ang biktima na si Gregorio Cabahug, 69, huling nanirahan sa 2769 Edsa Street, Parañaque City.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 9:15 ng umaga nang madiskubre ni Glen Bulatao, 29, kusinero, ang bangkay ng biktima sa loob ng isang nakaparadang jeep.
Hihiram umano ng papel de liha si Bulatao sa biktima ngunit nagtaka nang hindi ito kumikilos hanggang sa madiskubreng patay na ito.
Sa salaysay sa pulisya ni Francisco Bautista, operator ng pinapasadang jeep ng biktima, nabatid na bago natagpuang patay si Cabahug ay dalawang araw na nitong idinadaing ang pananakit ng kanyang dibdib.
Aminado si Bautista na kilalang chain smoker ang biktima na posible umanong dahilan ng pagkamatay nito. (Mary Ann Santiago)