NANANATILING aktibo sa paglilingkod sa publiko si Barangay Chairman Fausto Libranza sa Gabi, Compostela sa Compostela Valley at hindi niya alam kung ano pa ang maaari niyang magawa sa buhay sa edad niyang 83.
Ito ay hanggang sa pinalawig ang programa ng gobyerno na Kalahi-CIDSS o Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services sa kanilang barangay.
“Hindi nagtatapos ang pagkakaroon natin ng silbi habang nagkakaedad tayo, natututo tayo ng mga bagong bagay araw-araw at ginagamit natin ang mga ito upang makatulong sa ating komunidad. Hindi kailanman naging hadlang ang edad ko para makatulong ako sa iba,” ani Libranza, na inialay ang maraming dekada ng kanyang buhay para maglingkod sa publiko.
Kinilala rin si Libranza bilang Best Volunteer sa kanyang aktibong paglahok sa pagsasagawa ng Kalahi-CIDSS, sa Senior Citizen Category sa 2nd Kalahi-CIDSS Regional Bayani Ka Awards noong Pebrero.
Nais ng award-giving body na kilalanin ang kontribusyon ng mga program supporter sa pagtataguyod ng community driven development, pagtitipun-tipon ng mga Kalahi-CIDSS volunteer-champion at hero mula sa iba’t ibang komunidad at ibahagi ang kanilang pinakamagagandang gawain.
Ang Kalahi-CDSS ay isa sa mga pangunahing programa ng Department of Social Welfare and Development na naglalayong palakasin ang mga komunidad sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa mga local governance at poverty alleviation project.
Nagtapos si Libranza ng high school at lumaki sa Barangay Gabi. Ikinasal siya kay Elioteria, na mahigit 80 anyos na rin. Biniyayaan ang mag-asawa ng siyam na anak.
“Hindi ko inakalang magbibigay ng mga oportunidad ang Kalahi-CIDSS sa mga tulad kong senior citizen,” aniya.
Nang nagboluntaryo siya sa Kalahi-CIDSS, napagtanto niya na hindi pa siya matanda para paglingkuran ang kanyang komunidad. Naihalal siya bilang chairperson ng Barangay Sub-Project Management Committee (BSPMC) ng PAyapa at MAsaganang PAmayanan or Peaceful and Resilient Communities (PAMANA) ng Kalahi-CIDSS.
“Sa kadugay nako og panerbisyo sa barangay isip usa ka barangay kapitan, wala ko magtoo nga musalig gihapon sila maskin pa og tigulang na ko (Sa mahabang panunungkulan bilang punong barangay, hindi ko inakala na pagkakatiwalaan pa rin ako para manguna sa kabila ng aking edad).”
Pinangunahan ni Libranza ang pagpapatayo ng potable water system na may alokasyong P1,435,320.00.
“Na-challenge ko sa pag implementar sa water system nga sub-proyekto. Kami gyud ang mamalit sa mga materyales sa Davao. Kailangan according gyud sa standard. Kung ing-ani ang sub-proyekto sa gobyerno, mas maayo kay makita nato kung unsa ang atong gigastuhan. Naa gyud transparency (Nahirapan ako sa pagsasagawa ng water system sub-project. Kami ang bumili ng mga materyales mula sa Davao. Dapat naming sundin ang mga standard. Pinakamainam kung ganito ang pagpapatakbo ng mga proyekto ng gobyerno dahil matitiyak kung saan napupunta ang mga pondo. Mayroong kalinawan).”
Inihayag din ni Libranza ang tungkol sa kanyang paghahangad na tumulong sa ibang tao. “Malaki ang kaligayahang naidulot nito sa akin. Kahit pa walang bayad, masaya ako na nakatutulong ako sa aking komunidad.”
Hinimok niya rin ang kanyang mga kapwa senior citizen na makilahok sa mga aktibidad ng Kalahi-CIDSS.
May kabuuang 1,844 community volunteers ang senior citizen, ayon sa monitoring and evaluation record ng Kalahi-CIDSS.
“Marami pa rin tayong magagawa,” sinabi ni Libranza nang tinanggap niya ang pagkilala bilang best senior citizen.
“Dapat na magkaroon pa rin ng mahalagang tungkulin ang mga senior citizen sa pagpapaunlad ng ating komunidad.”
Tanging hiling ni Libranza para sa kanyang komunidad: “Sana ay tumulong din ang ating kabataan ngayon at magkaroon ng malasakit sa sarili nilang komunidad. Sana ay maipagpatuloy nila ang nasimulan ng Kalahi-CIDSS.” (PNA)