SURIGAO CITY – Apat pang pulis na prisoners of war (POW) ang pinalaya ng New People’s Army (NPA) kahapon at nitong Biyernes sa Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Pinalaya kahapon sa Sitio Brazil, Barangay Mat-i sa Surigao City, Surigao del Norte sina SPO3 Santiago B. Lamanilao, ng Surigao City Police; PO3 Jayroll H. Bagayas, at PO2 Caleb C. Sinaca, kapwa nakatalaga sa Malimono Municipal Police Station (MPS), gayundin ang non-uniformed personnel (NUP) na si Rodrigo T. Angob, na nagtatrabaho rin sa himpilan ng Malimono Police.

Dakong 2:00 ng hapon kahapon nang palayain ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA Northeastern Mindanao Regional Committee (NMRC) ang apat sa third-party facilitators na pinangunahan nina Surigao del Norte Vice Gov. Arturo Egay, Jr., Surigao City Vice Mayor Alfonso Casurra, at ng mga miyembro ng relihiyosong sektor.

Labis naman ang kasiyahan ng mga pulis nang makitang muli ang kanilang mga mahal sa buhay.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

“Salamat sa Gino-o, wala jud kami nila pasakiti ug ila jud gisunod ang protocols of war (Salamat sa Diyos, hindi kami ginawan ng masama ng mga bumihag sa amin at sumunod talaga sila sa protocols of war),” sabi ni SPO3 Lamanilao.

Matatandaang dakong 2:15 ng hapon nitong Hulyo 24, 2014 nang dukutin ang apat habang patungo sa bahay ng isang kaibigan sa Bgy. Cagtinae, Malimono.

Ang pagpapalaya sa apat ay pagpapakita ng kabutihan kaugnay ng pagtatagumpay ng unang bahagi ng peace talks ng gobyerno at ng CPP-NPA-National Democratic Front, ayon kay “Ka Uto”, ng Guerilla-Front Committee 16 ng CPP-NPA.

Nauna nang pinalaya ng NPA nitong Biyernes si PO1 Richard V. Yu, Jr., ng Carmen Municipal Police sa Surigao del Sur, makalipas ang 54 na araw ng pagkakabihag.

Pinalaya si Yu ng NPA at inilipat sa kostudiya ng third party facilitator—ang lokal na pamahalaan at Carmen Crisis Management Committee (CMC)—dakong 11:30 ng umaga nitong Biyernes sa Bgy. Awasian sa Tandag City, Surigao del Sur.

Biyernes din ng palayain ng NDF-Southern Mindanao sina Chief Insp. Arnold Ongachen, hepe ng Governor Generoso Police sa Davao Oriental; at PO1 Michael Grande, ng Banaybanay Police sa Davao Oriental. (MIKE U. CRISMUNDO)