Isa na namang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga ang pinagbabaril hanggang sa napatay ng apat na hindi kilalang armado, na lulan ng dalawang motorsiklo, sa Pasay City, nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Lyndie Sacayan, 29, ng Sampaguita B., Barangay 197 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 8:40 ng gabi kamakalawa nadiskubre ang duguang bangkay ng biktima sa madilim na bahagi ng isang bahay sa No.47, Sampaguita B, Bgy. 197.
Ayon sa mga testigo, nakita nila ang apat na suspek na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo at walang habas na pinagbabaril ang biktima at mabilis na nagsitakas.
Ayon sa mga pulis, kilala umanong drug pusher sa nasabing lugar ang biktima. (Bella Gamotea)