Ipinoproseso na ngayon ng Department of Justice (DoJ) ang pagkalap sa mga sinumpaang salaysay ng mga saksi na maaaring magdiin sa mga personalidad na nasa “drug matrix” sa umano’y bentahan ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP), na inilabas kamakailan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kabilang sa mga kinukuhanan ng salaysay ang mga prison guard sa Bilibid, mga bilanggo at mga kaibigan mismo ng mga personalidad na nasa matrix.
“Let us take a cue from what DoJ said that several witnesses have come out to prove the allegations against certain personalities and they are in the process of taking affidavits of these particular witnesses including NBP guards, inmates, and former friends of these personalities that have been referred to,” sinabi ni Abella sa Palace press briefing kahapon.
Matatandaang nakasama sa matrix sina Senator Leila de Lima, dating Justice Undersecretary Francisco Baraan, Pangasinan Rep. Amado Espino, Jr., dating Bureau of Corrections (BuCor) chief head Franklin Bucayu, ang dating driver ng senadora na si Ronnie Dayan, Pangasinan Board Member Raul Sison, at isang “Ms Cardenosa”.
“If and when they have been verified, the charges may have to deal with graft and drug-related graft once information is actually verified,” ani Abella.
Paliwanag ni Abella, ang drug matrix ng presidente ay batay sa “collective intelligence” ng mga awtoridad.
“They’re verified as of the personalities but the other links, the so-called links are being finalized,” aniya.
(Beth Camia at Genalyn Kabiling)