UNITED NATIONS (AFP) – Isinulong ni UN Secretary-General Ban Ki-moon noong Miyerkules ang malalimang imbestigasyon sa misteryosong pagbulusok ng eroplanong sinasakyan ni dating UN chief Dag Hammarskjold na ikinamatay nito noong 1961, sinabing makatutulong sa pagbibigay-linaw ang mga dokumento mula sa South Africa.
Namatay ang dating secretary-general nang bumulusok ang kanyang eroplano noong Setyembre 17 o 18, 1961, malapit sa Ndola sa Northern Rhodesia, ngayon ay kilala bilang Zambia.
Hindi kailanman natukoy ang dahilan ng insidente.
Ipinanukala ni Ban na magtalaga ng isang tao na magrerepaso sa mga dokumento at “communications” mula sa iba’t ibang indibidwal bago muling buksan ang imbestigasyon.
Isa sa mga sisilipin ay kung mababawi pa ng South Africa ang mga orihinal na dokumento na nagdedetalye ng diumano’y planong pagpatay kay Hammarskjold na may code-name na Operation Celeste.