ILOILO CITY – Sinisi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagpapabaya nito na nagbunsod upang dumami ang mga sindikato ng droga sa bansa.
“Before itong Duterte administration, ang pinaka-lead agency talaga ng giyera sa droga ‘yung PDEA,” sinabi kahapon ni Dela Rosa nang bumisita sa Iloilo City.
“Ngayon lang nagbago sa pagpasok ni President Duterte. Binigyan ako ng mandato na trabahuhin ‘yung drugs. PNP ngayon ang nakipagpatayan diyan sa mga drug syndicates na ‘yan,” sabi ni Dela Rosa.
Nagsalita sa mga mamamahayag sa selebrasyon ng ika-115 anibersaryo ng PNP sa Camp Delgado sa Iloilo City, sinisi rin ni Dela Rosa ang mga pulitiko at mga kapwa niya pulis.
Walang binabanggit na pangalan, sinabi ni Dela Rosa na nagpabaya ang mga ito sa sitwasyon kaya naman naging talamak at malawakan ang operasyon ng mga sindikato ng droga sa Western Visayas. Kabilang na rito ang Odicta Drug Group at Prevendido Drug Group, na kapwa nakabase sa Iloilo City.
Matatandaang tinawag ni Pangulong Duterte na “shabulized” ang Iloilo matapos niyang idetalye ang kanyang “narco list”, na kinabibilangan ng ilang opisyal sa lalawigan.
KINAMPIHAN NG NBI
Kaugnay nito, idinepensa naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran ang mga pulis sa sunud-sunod na pagpatay at umano’y mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa panayam ng CNN Philippines nitong Miyerkules, sinabi ni Gierran na ginagawa lamang ng pulisya ang kanilang trabaho.
“I believe in the police, and sabi nila maraming napatay o may napatay dahil nanlaban,” ani Gierran. “The police surely—or the NBI for that matter—would not kill somebody or anybody by just enforcing the law. But because of an unfortunate incident, we have to defend our authority and, in so doing, somebody is killed.”
Sinabi pa ni Gierran na hindi na kailangan pang magtatag ng inter-agency body upang imbestigahan ang mga extrajudicial killings sa bansa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa droga.