Tinatayang aabot sa P1.5 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang drug dealer sa isinagawang anti–narcotics operation sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.
Ayon kay PDEA Usec. Director General Isidro Lapena, kinilala ang mga suspek na sina Ronald Fonda at Gervy Lee na nahulihan ng 800 piraso ng party drugs na binubuo ng ecstacy, valium, cocaine at marijuana sa loob ng kanilang condominium sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon ng PDEA, bini-blender umano ang mga tableta at hinahaluan ng iba pang droga saka inilalagay sa mga kapsul para maibenta.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa punong-tanggapan ng PDEA sa NIA Road, Bgy. Pinahan, Quezon City at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 1965, Dangerous Drug Act of 2002. (Jun Fabon)