EXCITED si Morisette Amon sa nalalapit na show nila sa Barclay Center sa Brooklyn, New York USA sa Setyembre 3.
Bagamat hindi ito ang unang pagpunta ni Morissette sa NYC, excited siya dahil first time ng ASAP na mag-show roon dahil parating sa California lang.
At kahit nasa ABS-CBN na si Morissette, nagpapasalamat pa rin siya sa TV5 sa pagbibigay ng naging para makapasok siya sa showbiz.
Sumali noong 2010 si Morissette sa Star Factor ng TV5 na si Ruffa Gutierrez ang host pero hindi pinalad na manalo dahil si Eula Caballero ang itinanghal na grand winner at nakasama naman ng dalaga sina Ritz Azul (nasa ABS-CBN na rin) at Christian Samson as finalists.
Limang taong nasa TV5 si Morissette at umasang iyon na ang simula ng katuparan ng dream niya para maging recording artist, dahil singer naman talaga siya. Pero hindi ito nangyari dahil sa mga serye siya isinama at iba pang programa ng Kapatid Network.
Copycat daw si Morissette ni Sarah Geronimo dahil nga idol niya ito at may hawig sila at halos pareho ang timbre ng boses kaya may mga basher din noon ang dalaga.
Tinapos ng batang singer ang kontrata niya sa TV5 at nag-audition siya sa The Voice Season 1 at sinuwerteng mapasama sa Team Sarah na talagang pangarap niya dahil nga idolo niya ang TV host/actress.
Hindi rin pinalad na manalo si Morissette sa The Voice, pero unti-unti nang natupad ang pangarap niya. Naimbitahan na siya sa maraming show sa iba’t ibang lugar lalo na nu’ng mapasama siya sa ASAP at kahit na sandali lang ang exposure niya ay marami ang nakapansin. Mula sa twice a month na appearance ay naging naging regular siya sa ASAP dahil napasama na siya sa Birit Queens na binubuo nina Angeline Quinto, Klarisse de Guzman at Jonalyn Viray.
Bukod dito, gustung-gusto rin si Morissette ng It’s Showtime.
Kaya abut-abot ang pasasalamat ni Morisette nang makausap namin siya sa upcoming show ni Arnel Pineda na Powerhouse Pinoy World-Class Performers na produced ng Lucky 7 KOI Productions , Inc na mapapanood sa The Theater, Solaire Resort and Casino sa October 28.
Marami na siyang bansang napuntahan o nalibot, ano pa ang pangarap niyang puntahan?
“Marami pa po, Tita Reggee, pero top of my destination goal is Europe po. Galing na po ako, pero hindi naman ako nakapag-ikot kasi it’s all work po ‘yun.
“Gusto ko po sana makapagbakasyon with my family, hopefully po soon, kaya ngayon, tanggap-tanggap muna ng work para naman po may magamit pa rin akong panggastos,” masayang sabi ni Morissette.
Ini-launch na ng Star Music ang first album niya at nagkaroon na rin siya ng sariling concert sa Music Museum kamakailan, ano pa ang pangarap niya na hindi pa natutupad?
“’Yung dream po ko now is to make more original songs po, mas gusto ko po original kaysa covers kasi that’s what makes an artist an artist if you have your own songs po and happy naman po ako kasi ‘yung mga na-release ko ay nagustuhan naman,” sagot ng dalaga.
Malapit nang mag-gold record ang album niya at proud namang sinabi ng manager niyang si David Cosico ng Stages na talagang fans ang bumibili ng album niya sa record bars.
Sa mga hindi nakakaaalam, may iba pang talent si Morissette tulad ng pagtugtog ng gitara at piano habang kumakanta
Sana ay mabigyan din siya ng tsansa na maipakita ito.
Gusto rin niyang subukan ang ibang genre dahil nga nakilala siya sa ballad songs.
“Kasi po it’s a different experience every time kaya nakakatuwa how production shows po to put us together na iba-ibang klase like kay Sir Arnel (Pineda) na pinapanood ko ay may nakukuha rin ako sa kanya,” kuwento niya.
Jazz ang pag-aaralan ng dalaga.
“’Yung jazz po, I haven’t fully taken it yet po. Dati kasi po, super-ballad lang talaga ako, R & B, that’s how they (Star Music) started sa album ko po. Parang tricky din talaga ‘pag jazz.”
Pinansin din namin ang malaking pagbabago ni Morissette kapag iniinterbyu kumpara nu’ng nagsisimula pa lang siya, ang lakas na ng dating niya, sumobra na ang daldal.
“Siguro po dati kasi nahihiya pa po ako, coming from Cebu, hindi pa ako masyadong gabay (hasa) magtagalog, nahihiya rin akong mag-english din naman. Ngayon po, mas nakabisado ko na ang language although nabubulol pa rin kasi talagang pinag-workshop po ako ng Tagalog classes.
“Ang hirap po kasi, kasi sa bahay po nagbibisaya pa rin kami, awkward din po kasi kapag nagtatagalog kami sa bahay, pero, with the help of Tito David (manager), sinasabi nila sa parents ko na huwag akong kausapin sa Tagalog,” masayang kuwento sa amin.
Ngayong may regular income na si Morissette, ano na ang investment niya?
“Nakabili na po kami ng car, kasi dati po nagta-taxi lang kami, ang hirap po kumuha ng taxi kasi dati hindi pa uso ang Grab o Uber. So hirap kami kapag may show o pupuntahang tapings o kaya nakikisabay kami sa service. Kaya ngayon po, may car na,” balik-tanaw ng dalaga.
Nangupahan sila noon sa hindi kalakihang condo unit sa may tapat ng Trinity University of Asia na dahil sa iilan ang raket niya ay nila hindi nababayaran ang upa.
“Panahon po iyon ng TV5, malaki po ang naitulong din ng TV5 dahil sa kanila may mga ilang shows din po ako at doon namin kinukuha ang pambayad ng upa sa bahay.
“Pero ngayon po sa townhouse na kami nakatira, nagre-rent pa rin po, ayaw pa ni Mama bumili ng own house kasi gusto niya hinay-hinay lang muna, as long as may tinitirhan naman. Okay naman po kasi may bahay naman kami sa Cebu,” kuwento ni Morissette. (REGGEE BONOAN)