Sinabi ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na maraming kaso na may kaugnayan sa droga ang nababasura.
Tinukoy ng Punong Mahistrado ang tatlong dahilan dito: hindi pagsipot ng mga police witness, pagkamatay ng mga prosecutor at public attorney, at kawalan ng sapat na ebidensya ng prosekusyon.
Ayon kay Sereno, mayroong 439,606 na nakabinbing kaso sa mga lower court na may kinalaman sa droga noong Mayo, mahigit isang buwan bago magsimula ang Administrasyong Duterte. Tumaas ng 47 porsiyento ang case inflow o naihahaing drug cases nitong 2015 kumpara noong 2014. Sa Korte Suprema, 469 na ang nakabinbing kaso sa droga.
Subalit puna ng hudikatura, sa harap ng pagdami ng mga naisasampang kaso na may kinalaman sa droga, kulang naman ang mga prosecutor na uusig ng kaso dahilan para maantala ang mga paglilitis.
Sinabi ni Sereno, na napag-alaman niya kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na mayroong 500 bakante ang Department of Justice para sa prosecutors.
Mungkahi ni Sereno, para masabayan ang repormang ginagawa ng hudikatura at mapahusay ang sistema ng hustisya sa bansa, kailangang magtalaga ang ehekutibo ng tig-dalawang piskal at dalawang public attorneys lawyer sa bawat hukuman.