Masama man ang loob, walang magagawa si IBF super flyweight champion McJoe Arroyo ng Puerto Rico kundi magdepensa sa boksingerong nasa stable ni dating pound for pound king Manny Pacquiao na si mandatory contender Jerwin Ancajas sa Setyembre 3 sa Philippine Navy Gymnasium (Hurado Hall) sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Tiyak na masisiyahan ang boxing fans dahil inihayag ng MP Promotions na may hawak sa karera ni Ancajas na libreng mapapanood ang world championship bout.
Kung ilang beses na-postpone ang Arroyo-Ancajas bout dahil tutol ang Puerto Rican na dumayo sa Pilipinas para idepensa ang kanyang titulo kaya nagpanggap siyang napinsala ang laban para hindi matuloy ang depensa nitong Hulyo sa Bacoor City, Cavite.
Nakuha ni Arroyo ang titulo sa kontrobersiyal na 10th round technical decision sa Pilipino ring si Arthur Villanueva nang itigil ng kababayan niyang referee na si Rafael Ramos ang laban nang binubugbog na siya ng Pilipino sa sagupaang ginanap sa El Paso, Texas sa Amerika.
May rekord na perpektong 17 panalo, tampok ang anim na knockout, ngayon lamang kakasa si Arroyo sa labas ng kanyang bansa, Mexico at America.
May karta na 24-1-1 si Ancajas kabilang ang 16 TKO.
Magsisilbing referee ng laban ang Amerikanong si Gene del Bianco at mga hurado sina Gil Co ng Pilipinas, Carlos Colon ng Puerto Rico, at Takeo Harada ng Japan. (Gilbert Espena)