Napatay ng mga pulis ang isang hinihinalang drug pusher na kapangalan umano ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa ikinasang buy-bust operation sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot ang suspek na kilala sa alyas na “Aso”, 31, ng Area B, Gate 48, Parola Compound, sa Binondo, Maynila dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 6:15 ng gabi nangyari ang pamamaril sa tahanan ng suspek.
Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP) kaugnay sa ilegal na aktibidad ng suspek.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis sa lugar at nang lapitan umano nila ang suspek ay agad itong kumuha ng baril at nagpaputok.
Dito na napilitang magpaputok ang mga awtoridad na naging sanhi ng pagkamatay ng suspek.
Si Bautista ay kasama sa drug watch list ng Meisic Police Station (Station 11) ng MPD. (Mary Ann Santiago)