Sinasabing problema sa pamilya ang dahilan kung bakit nagawang tumalon ng isang estudyante mula sa ikaapat na palapag ng isang condominium sa Malate, Manila nitong Huwebes.

Naisugod pa sa Philippine General Hospital (PGH) ngunit hindi na nailigtas pa si Romelyn Saria, 17, ng 292 Alapan, Imus, Cavite, dahil sa tindi ng pinsalang natamo sa ulo at katawan.

Sa ulat ni SPO2 Bernardo Cayabyab, dakong 8:20 ng umaga tumalon ang biktima sa Robinson’s Place Residency Tower 2, na matatagpuan sa Padre Faura Street, Ermita, Manila.

Nauna rito, nagtungo umano ang biktima sa Room 10-I ng naturang condominium unit, na tinutuluyan ng kanyang kaibigang si “Ariane”, 19, estudyante, kasama si “Pauline”, 19, estudyante, upang magpalipas umano ng sama ng loob.

AFP nagbabala vs. fake news; nanindigang loyal sa Konstitusyon, mga Pilipino

Ayon kay Pauline, mahimbing siyang natutulog sa sala nang magising sa paghagulgol ni Saria.

Nang tanungin, idinaing umano ng biktima ang problema nito sa pamilya.

Inalo umano ni Pauline si Saria at binigyan pa ng isang basong tubig ngunit bigla na lang umano itong tumakbo palabas ng kuwarto habang umiiyak.

Dito na humingi ng tulong si Pauline sa kanyang ina at lola, at hinabol ang biktima ngunit hindi na nila ito nahagilap.

Ayon naman kay Joselito Espelita, 50, Senior Multi-Skills Technician sa naturang condominium unit, paalis na sila sa generator room nang makita nilang tumatakbo ang biktima at humihingi ng tulong kaya’t pinapasok nila ito sa barracks at tumawag ng tulong.

Gayunman, nang balikan umano ni Espelita ang biktima ay wala na ito sa barracks at tuluyan nang tumalon sa isang open wall.

Patuloy na inaalam pa ng mga awtoridad kung gumagamit ng ilegal na droga ang biktima. (Mary Ann Santiago)