Nagpahayag ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang bagyong ‘Dindo’ ay lalabas sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Linggo ng umaga, pero ang southwest monsoon (habagat) ay mananatiling magdadala ng ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon.
Kahapon, 11:00 ng umaga, ayon sa weather forecaster na si Juanito Galang, ay patuloy ang marahang pag-usad ng bayo sa pitong kilometro kada oras, habang nananatili ang lakas nitong 995 kilometro sa hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Ayon sa state weather bureau, ang masamang panahon ay tinatayang nasa 1,140 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat ngayong Sabado ng umaga.
Ayon kay Galang, ang bagyo ay may lakas na 160 kilometro kada oras malapit sa gitna, at bugsong umaabot sa 195 kilometro kada oras.
Tinataya ang pag-ulan sa katamtaman hanggang sa malakas sa loob ng 400 kilometer diameter ng bagyo, at asahan din ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-alon sa karagatan kaya pinagbabawalang pumalaot ang maliliit na bangka.
Walang ibang bagyong namataan sa iba pang mga lugar pero asahan ang maulap na papawirin at katamtamang pag-ulan at malakas na pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, MIMAROPA, at sa Ilocos Region, ayon sa 24-hour broadcast ng PAGASA nitong Biyernes ng umaga. (Chito A. Chavez0