OPISYAL nang ipinahayag kahapon ng TV5 management ang nakatakdang pagbaba sa puwesto ni Mr. Noel Lorenzana bilang presidente at chief executive officer ng Kapatid Network at hanggang Setyembre 30 na lang siya ngayong taon.
Ayon sa nakausap naming executive ng TV5, ang dating coach ng Talk and Text team sa Philippine Basketball Association na si Mr. Chot Reyes ang papalit sa babakantehing puwesto sisimula naman sa Oktubre 1.
Tatlong taon na pala si Chot sa TV5 bilang head ng sales at marketing department at maganda raw ang performance lalo’t kumikita ang news at sports program ng network.
“Okay naman si Chot kaya siguro pinili siya ni MVP (Manny V. Pangilinan) kasi nakitaan niyang masipag naman.
“In fairness naman kay Mr. Lorenzana, taga-Smart siya before at pinakiusapan siya ni MVP na i-manage ang TV5 and the guy really did his best naman maski hindi niya linya ang television.
“Napababa niya ang losses ng TV5 kumpara dati, though lugi pa rin, pero napababa niya at hindi na lumaki pa,” kuwento ng kausap naming TV5 executive.
Sa ibang kumpanya raw ni Mr. Pangilinan mapupunta si Mr. Lorenzana pag-alis niya ng TV5.
Samantala, tinanong namin kung ibabalik pa ng TV5 ang entertainment department nila dahil sa kasalukuyan ay sports at news program ang napapanood.
“I really don’t know pa, pero may mga canned shows kami, sana kasi masaya naman noon, di ba?” sagot sa amin.
Binanggit namin na may narinig kaming ibabalik ito at hindi lang namin alam kung ngayong last quarter ng 2016 o sa 2017 na.
“Baka nga next year na, kasi anong petsa na, mahirap naman bumuo ng show agad-agad,” katwiran sa amin.
Sabi nga namin na kung sakaling ibabalik nila ang entertainment ay mag-concentrate na lang sila sa reality at game shows dahil malakas sila rito kumpara sa teleserye dahil wala nang natirang artista ang Kapatid network.
“Ha-ha-ha, ikaw talaga. Well, let’s see na lang. May mga artista pa naman kami, like sina Derek Ramsay na pumirma ng three years contract pa, siguro mga hanggang 2018 pa siya. Si Jasmin Curtis may kontrata siya sa amin. Si Mark Neumann, sayang nga, eh. Hindi sila masyadong nau-utilize kasi wala namang show,” pahayag sa amin.
Magre-renew pa ba si Ogie Alcasid na expired na ang kontrata simula ngayong Agosto?
“Hindi ko pa alam, mag-uusap pa yata sila nila MVP, no idea,” kaswal na sagot sa amin.
Samantala, naririto ang official statement ng TV5 management tungkol sa pagpasok ni Mr. Chot Reyes bilang bagong Presidente at Chief Executive Officer.
“This is to announce the retirement of Emmanuel C. Lorenzana as President and Chief Executive Officer of Mediaquest Holdings, Inc. and TV5 Network, Inc. with effect 30th September 2016.
“In light of this development, we are appointing Vicente P. Reyes as Officer-In-Charge of TV5 Network, Inc. effective 1st October 2016.
“In this capacity, Chot will concurrently hold the position of President of Media5 Marketing Corp.” (Reggee Bonoan)