Ipinaubaya na ni acting National Capital Region Police Office (NCRPO) Director chief Supt. Oscar Albayalde sa Muntinlupa City Police ang pagsasampa ng kaso laban sa limang inmate ng New Bilibid Prison (NBP) na natimbog sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing piitan nitong Huwebes.

Ayon kay NCRPO-Public Information Office, chief Ins. Kimberly Molitas, inihahanda na ng Muntinlupa City Police ang mga kaukulang dokumento para sa kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa sa Muntinlupa Prosecutor’s Office laban sa mga suspek na sina Valeriano Amitus, Voltaire Ed Batay, Marlon Abata, Marlon Motoc Jr., at Raymond Bongabong.

Nadakip ang limang preso matapos kumagat at bentahan ng shabu ang isang police asset sa ikinasang test-buy operation ng NCRPO sa loob ng medium security compound ng NBP.

Narekober sa mga suspek ang limang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P50,000 dahilan upang magsagawa ng sorpresang Oplan Galugad sa naturang compound. (Bella Gamotea)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente