Naging mas mahigpit ang labanan para sa nakatayang semifinals berth sa Group A nang magkaroon ng 4-way tie kasunod nang panalo ng De La Salle University kahapon sa pagpapatuloy ng Spiker’s Turf Season 2 Collegiate Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Winalis ng Green Archers ang Philippine Merchant Marine School, 25-23,25-22, at 25-22 para sa ikatlo nilang panalo sa apat na laro.
Dahil sa panalo, tumabla ang La Salle sa pamumuno sa Group A kasama ng Far Eastern University, University of Perpetual at National University.
Nagtala si rookie Mike Frey ng walong hits, dalawang blocks at isang ace upang pamunuan ang nasabing panalo ng La Salle.
Nag ambag naman si Cris Domago ng 10 hit kasunod ang mga beteranong sina Arjay Onia at Raymark Woo na tumapos na may siyam at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.
Para sa Mariners, lalo silang nabaon sa ilalim ng standings sa pagkahulog sa ika-4 na sunod na pagkabigo, tumapos na topscorer si Keyvin Premalon na nagposte ng siyam na hit, isang block at isang ace. (Marivic Awitan)