Handa at determinado ang Philippine Men at Women’s Chess Team na susulong sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Nakatakdang umalis ang koponan sa Agosto 31.

Binubuo ang men’s team nina Grandmaster Julio Sadorra, Rogelio Antonio, Eugene Torre, Rogelio Barcenilla at International Master Paulo Bersamina.

Ang women’s team ay kinabibilangan naman nina Woman International Master Janelle Frayna, Catherine Secopito, Jodilyn Fronda, Woman Fide Master Shania Mae-Mendoza, at NM Christy Bernales.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Makakasama ng dalawang koponan sina James Infiesto na siyang coach sa mga lalaki at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at GM Jayson Gonzales na siyang hahawak sa mga kababaihan.

Sinabi ni Gonzales na magkakaroon ng send-off ceremony para sa mga koponan habang inihahanda rin ang courtesy call kay Pangulong Duterte.

Galing si Sadorra sa pagwawagi sa isang torneo sa Estados Unidos habang magbabalik si Antonio sa koponan matapos tanghaling kampeon sa nakaraang Battle of the Grandmasters.

Nahila naman ni Torre, kauna-unahang Asian player na naging Grandmaster, ang career rekord na pinakamaraming beses na makalaro sa Olympiad.

Sumabak naman si Bersamina sa World Juniors Chess Championships kung saan tumapos ito sa ika-14 puwesto.

Kinapos naman si Frayna na maging pinakaunang Woman Grandmaster ng Pilipinas matapos magkasya lamang sa natipong 8.5 puntos para sa pakikipagtabla sa ikaapat na puwesto. Asam muli ni Frayna na makuha ang ikatlo at pinakahuling WGM norm sa pagsabak sa torneo.

Hangad ng Pilipinas na mapaganda ang ika-46 nitong puwesto sa men at 64th sa Women’s division noong 2014 World Chess Olympiad sa Oslo, Norway. (Angie Oredo)