TULAD ng ibang batang artist na kasing edad niya, nangangarap ang 16-anyos na Afghan na si Robaba Mohammdi na makapagdaos ng sarili niyang international art exhibition.

Ang tanging pagkakaiba – gumuguhit siya hindi gamit ang kamay kundi ang kanyang bibig.

Ipinanganak si Robaba na may bahagyang pagkakaparalisa sa mga binti, at hindi makontrol ang galaw ng kanyang mga kamay at paa maliban sa iilang daliri sa paa.

Nagmula si Robaba sa isang mahirap na pamilya sa probinsya ng Ghazni at lumipat sa Kabul noong tatlong gulang pa lamang siya matapos na mabatid ng kanyang pamilya ang kanyang kapansanan. Umasa ang kanyang pamilya na makakukuha sila ng tulong medikal para sa kanyang kondisyon, ngunit walang nangyari.

Halos wala pang dalawang taon ang nakalipas, nagsimula siyang matutong gumuhit at ngayo’y nangangarap siyang magkaroon ng sariling art exhibition sa Aga Khan Museum sa Canada.

“My dream is to hold my art exhibition in Aga Khan Museum which is one of the biggest museums in Canada. And I’m requesting my people to help me in order to reach my dream which is having my art exhibition in Canada,” sinabi ni Mohammadi nang kapanayamin ng UNTV News.

Sinabi niya rin na nangangarap din siyang isang araw ay makapasok siya sa paaralan para matuto.

“Robaba doesn’t have hands for drawing but God has granted her the ability to draw with her mouth. She is doing a very impossible task and before, we didn’t think she could do it. Now, we are hopeful she can improve a lot in her career,” sabi ng kapatid ni Robaba na si Shakila Mohammadi.

Pinipigilan ng ilang dekada nang kaguluhan, kahirapan, at kapabayaan ang maraming may kapansanang Afghan na maabot ang kanilang mga mithiin sa buhay. Madalas silang walang trabaho at nahaharap sa samu’t saring diskriminasyon sa lipunan, kung saan itinuturing na kahinaan ang pagkakaroon ng kapansanan.

Sa kabila nito, umaasa si Robaba Mohammadi na magbibigay ang kanyang sining ng ibang larawan ng Afghanistan na matagal nang winawasak ng deka-dekada nang kaguluhan at digmaan.