HABANG dumarami araw-araw ang mga pumapalakpak sa pagtaas ng mga napapatay na umano’y nagtutulak at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, nadaragdagan naman ang mga tumatangis dahil sa tumataas ding mga “collateral damage” o mga nadadamay lamang sa malawakang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga sindikato ng ilegal na droga.

Ang pinakahuli sa mga “collateral damage” na ito ay si Danica May, 5, na namatay habang pilit na inililigtas sa ospital na pinagtakbuhan sa kanya matapos umanong tamaan ng bala sa ulo na para dapat sa kanyang lolo na pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga.

Katanghaliang-tapat noong Miyerkules habang naglalaro si Danica sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Mayombo, Dagupan City nang sumulpot ang isang armadong lalaki at walang habas na pinaputukan ang lolo ng bata na nasa bukana ng kanilang bahay.

Kahit may tama na sa tiyan, nagawa pang makatakbo ni Maximo Garcia, 53, sa kanilang likod-bahay at tuluyang natakasan ang bumaril sa kanya na nagtangka pang humabol para siya’y tapusin.

Ngunit kahit natakasan ni Lolo Max ang kamatayan, hindi naman nakaligtas ang kanyang walang kamuwang-muwang na apo na isa na ngayon sa patuloy na dumaraming “collateral damage” sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.

Sa SCORECARD ng PNP - Public Information Office (PIO) na may petsang Agosto 25, 2016—nasa 1,104 na ang mga naarestong hinihinalang nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga, samantalang 771 naman ang mga napatay sa mga lehitimong operasyon ng mga operatiba ng PNP.

Hindi pa kasama rito ang 1,067 na pinatay naman ng mga ‘di kilalang grupo.

Wala pang bilang para sa mga “collateral damage’’ na ayon sa mga operatiba ay nadadamay lang sa ginagawang pagtutumba ng mga miyembro rin ng sindikato sa mga dating kasamahan nilang nagpasyang sumuko sa kampanya ng PNP.

Si Lolo Max ay isa raw sa mga sumuko sa mga pulis sa Dagupan City matapos na malaman na siya ay nasa “Order of Battle” ng mga awtoridad kahit na itinatanggi niya ito. Hinala ng mga pulis – gustong patahimikin si Lolo Max ng mga kasamahan nito kaya siya tinangkang patayin pero himalang nakaligtas kahit may tama sa tiyan.

Maigting naman ang pagpuna ng nakabase sa London na Amnesty International (AI) sa kampanyang ito ng pamahalaan laban sa mga sindikato ng droga sa pagsasabing hindi raw ito “crime control” kundi “lawlessness.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)