SA ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Human Rights and due process na pinamumunuan ni Sen. Leila de Lima, inamin ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa na 756 na ang napatay ng mga pulis mula nang ilunsad ng administrasyong Duterte ang kampanya laban sa ilegal na droga. Wala aniyang dapat sisihin kundi ang mga napatay. “Kung hindi sila lumaban,” wika niya, “buhay pa sana sila.” Hanggat hindi umano napapatunayan na hindi ganito ang nangyari, ipinapalagay na regular na ginampanan ng mga nakapatay na pulis ang kanilang tungkulin.

Ayon naman kay Chief Supt. Leo Angelo Leuterio, hepe ng Internal Affairs Service (IAS) ng PNP, 569 na raw na operasyon ang naimbestigahan ng kanyang opisina sa 756 na napatay. Napatunayan daw na lehitimo ang operasyon.

Mali si Dela Rosa sa kanyang posisyon na sa kanilang operasyong nagbunga ng kamatayan ay ipinapalagay na regular na gumanap ng tungkulin ang mga pulis na nakapatay. Hindi akma ang kalakarang presumption of regularity in the performance of duty sa mga ganitong insidente. Ang pinatay kasi, lumaban man ito o hindi ay itinuturing na inosente hanggang hindi napatunayang siya ay nagkasala sa isang pagdinig. Karapatan niya ito sa Saligang Batas. Hindi puwedeng mangibabaw sa due process ang kalakarang binanggit ni Dela Rosa.

Dahil dito, walang kapangyarihan ang IAS na ideklara na lehitimo ang mga operasyong naimbestigahan na nito. Ang kanyang kapangyarihan ay limitado lang sa alamin kung sino iyong mga pulis na nakapatay at pagkatapos na malaman, ay ihabla ang mga ito. Patunayan ng mga pulis sa mga kasong isinampa sa kanila, ke kriminal o administratibo ito, na ang kanilang mga napatay ay nanlaban na naglagay sa panganib ang kanilang buhay o buhay ng iba. Na ang pagpatay ay pagtupad ng kanilang tungkulin. Ang hukuman o alinmang administratibong tagasiyasat, pagkatapos ng pagdinig, ang siya lamang makapagpapasiya kung lehitimo nga ang operasyon at legal ang naging pagpatay.

Kaya, mali iyong sinabi ni Dela Rosa na ipinapalagay sa 569 na napatay ng kanyang mga pinamumunuan ay regular na gumanap ang mga ito ng kanilang tungkulin. Hindi sila mag-aabswelto sa kanilang mga sarili. Hindi katanggap-tanggap ang malibre kaagad sila sa pananagutan dahil sinabi lang nila na lumaban iyong kanilang napatay. Ang self defense, defense of a relative o stranger at lawful fulfillment of duty ay justifying circumstances. Ang pinaka-elemento ng mga ito ay lumaban iyong kanilang napatay. Pero, depensa ang mga ito na dapat patunayan sa isang pagdinig ng walang kaduda-dudang nangyari upang maabsuwelto ang nakapatay. (Ric Valmonte)