Nalusutan ng National University ang palabang Far Eastern University, 25-17, 24-26, 14-25, 25-18, at 15-11, nitong Miyerkules para masikwat ang isang upuan sa Final Four ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena.
Hataw si skipper Jaja Santiago sa natipang 19 puntos para sandigan ang NU sa ikatlong panalo sa apat na laro para masiguro ang isang upuan sa semifinals.
Ikinatuwa ni NU assistant coach Edjet Mabbayad ang kaganapan, higit at nakuha nila ang panalo sa dikitang laban.
“Happy ako sa galaw ng mga player pero syempre not satisfied kasi marami pa ring lapses na nangyayari. Kita naman kaya nag five sets,” sambit ni Mabbayad.
“Nandoon pa rin ang attitude ng mga bata na minsan pag nahahabol nara-rattle. Kailangan pa rin namin baguhin ‘yun.
Pero overall naman masaya kami sa resulta ng laro. Syempre panalo eh!,” aniya.
Umusad ang Lady Bulldogs sa 5-2 bentahe sa ikalima at deciding set, bago umarangkada sa 10-4.
Nag-ambag si Aiko Urdas ng 15 puntos, habang tumipa si Jorelle Singh ng 12 puntos sa NU, para putulin ang four-game winning streak ng FEU.
Nabuhayan naman ang kampanya ng San Sebastian College na makahirit ng playoff para sa semifinals nang pabagsakin ang University of Santo Tomas, 25-20, 25-18, 16-25, at 25-19.
Nanguna si ace spiker Grethcel Soltones, sa kabila nang dinaramang lagnat, sa Lady Stags na akamit ang ikalawang panalo sa apat na laro.
“Kanina bago mag-warm up, humingi pa ng Biogesic. Talagang siguro adrenaline na lang saka fighter kaya nakalaban pa rin,” sambit ni Lady Stags coach Malazo. (Marivic Awitan)