Mga Laro Ngayon
(Smart- Araneta Coliseum)
4:15 n.h. -- Mahindra vs TNT
7 n.g. -- Phoenix vs NLEX
Itataya ng Talk ‘N Text ang tangan sa liderato sa pagsabak kontra Mahindra sa pagpapatuloy ng PBA Governors Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Ikapitong dikit na panalo ang target ng Katropa para patatagin ang kanilang kapit sa liderato sa pagtutuos sa pangalawang Mahindra sa ganap na 4:15 ng hapon.
May agwat na halos dalawang laro ang Tropang Texters sa Enforcers na may barahang 5-2 kasalo ang Ginebra sa ikalawang puwesto.
Manggagaling ang Katropa, malaking panalo kontra Phoenix, 124-117 noong nakaraang Biyernes sa Ynares Sports Center sa Pasig, habang galing naman ang Enforcers, sa 97-88 panalo kontra Blackwater.
Sa tampok na laban, kapwa naman magtatangkang makaahon mula sa kinalalagyan sa ilalim ng team standings ang magkatunggaling Phoenix at NLEX.
Angat lamang ng isang panalo ang Road Warriors na may barahang 3-4, sa Accelerators na may 2-4 marka kasama ang Globalport.
Parehas magsisikap ang dalawang koponan na makabangon mula sa huling kabiguan sa nakaraan nilang laban , ang Phoenix sa kamay ng Tropang Texters at ang Road Warriors sa Meralco, 95-101. (Marivic Awitan)