ISANG bagong batas sa buwis ang inihain sa Kongreso na layuning isama sa RA 8424, ang National Internal Revenue Code of the Philippines, ang P10 excise tax sa kada litro ng sugar-sweetened beverages, bukod pa sa 12 porsiyentong value-added tax (VAT) na ipinapasa sa mga mamimili. Ang panukalang batas sa buwis, na inihain nina Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing, Jr. at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing ay kabilang sa maraming panukalang buwis sa batas na inaasahang magiging bahagi ng bagong plano ng administrasyon para sa pagpapatupad ng karampatang buwis.
Higit pa sa isang buwis sa batas, ang panukala ni Suansing ay nakatuon sa kalusugan at may layuning pigilan ang mga sakit na iniuugnay sa labis na pagkonsumo ng matatamis na pagkain at inumin. Bilang epekto ng panukala, magkakaroon ng pagtaas sa presyo—kaya tiyak na mababawasan ang konsumo—ng mga inuming nagtataglay ng caloric sweeteners. Kabilang sa mga ito ang soft drinks, soda pop, sweetened fruit juices, mga produkto ng kape at tsaa na sinangkapan ng sweeteners, at energy drinks na may napakaraming asukal.
Sa report ng National Nutrition Survey ng Food and Nutrition Research Institute noong 2015, natuklasang isa sa bawat tatlong Pilipino ay obese o labis ang timbang at isa sa mga sinisisi rito ay ang hindi maayos na nutrisyon at hindi sapat na pisikal na aktibidad. Sinabi ng isang opisyal ng Department of Health na isang malaking hamon dito ang agresibong pagsusulong sa hindi masusustansiyang produkto sa industriya ng pagkain. “The government must intervene to correct the current situation of the food industry’s failure in promoting good nutrition,” ayon sa opisyal. “Laws must be enacted to regulate the marketing of foods and beverages to children.”
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Journal of the American Medical Association, ang labis na pagkonsumo ng carbohydrates gaya ng asukal ay nakapagpapataas ng panganib na magdebelop ng isang lipid profile na kadalasang nauuwi sa sakit sa puso. Ang pagkonsumo ng labis na asukal ay sinasabing nagdadagdag ng timbang at ang mga taong labis ang timbang ay mas malaki ang tsansang magkaroon ng diabetes, sakit sa puso, alta-presyon, cancer, at iba pang mga sakit.
Ang sugar-sweetened beverages ay sinasabing pangunahing pinagmumulan ng dagdag na asukal sa karaniwang diet ng mga Amerikano.
Nakaaapekto ang mga pag-aaral na gaya nito sa mga pagpupursige ng Pilipinas upang iwasto ang diet ng mga Pilipino na tumatangkilik na rin sa mga fast-food outlet at sa soft drinks, energy drinks, at mga pinatamis na kape, tsaa at fruit drinks. Ang panukalang nagsusulong na magpataw ng excise tax bukod pa sa value-added tax sa lahat ng sugar-sweetened beverages ay maikokonsiderang bahagi ng pangkalahatang pagsisikap na pangkalusugan na ito.
Nagpahayag na rin ng kahandaan ang Beverage Industry Association of the Philippines na talakayin sa gobyerno ang mga pinaplanong reporma sa buwis. Ang panukalang buwis na ito, katuwang ang mga tuklas sa pananaliksik sa mga sakit na iniuugnay sa mga pinatamis na produktong pagkain at inumin, ay dapat na humikayat sa industriya upang lumikha at magbenta ng mas masusustansiyang produkto.