AMATRICE, ITALY (Italy) – Umakyat na sa 247 ang bilang ng mga namatay sa lindol sa central Italy noong Huwebes matapos magdamag na magtrabaho ang rescue teams sa paghahanap ng survivors.
Niyanig ng sunud-sunod na aftershocks ang mga napatag na komunidad sa bulubunduking lugar may 140 kilometro ang layo mula sa silangan ng Rome kahapon, ayon sa mga opisyal.
Tumama ang 6.2 magnitude na lindol sa central Italy noong Miyerkules ng madaling araw habang mahimbing ang tulog ng mga mamamayan, winasak ang mga kalsada, gusali at kabahayan. Sa lakas ng lindol, ay naramdaman ito hanggang sa Bologna sa hilaga at sa Naples sa timog, kapwa mahigit 220 km ang layo mula sa sentro ng pagyanig.
Sinabi ng mga opisyal, tila aakyat pa ang bilang mga nasawi at posibleng malagpasan ang 300 kataong namatay sa L’Aquila noong 2009, ang huling pinakamalakas na lindol na tumama sa Italy.
“Today is a day for tears, tomorrow we can talk of reconstruction,” sabi ni Prime Minister Matteo Renzi sa mamamahayag noong Miyerkules.