ZAMBOANGA CITY – Kinondena kahapon ng pamahalaang panglalawigan at ng mamamayan ng Sulu ang pamumugot ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa 19-anyos na bihag nitong si Patrick Jhames Almodavar nitong Miyerkules ng hapon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) na mariing kinokondena ng militar at ng buong bansa ang brutal na pagpatay ng ASG, sa pamumuno ni Muamar Askali, kay Almodavar dakong 3:00 ng hapon nitong Miyerkules sa kagubatan ng Indanan, Sulu.

Sinabi kahapon ni Maj. Filemon Tan, Jr. na natagpuan ng mga awtoridad ang pugot na ulo ni Almodavar na nakabalot sa plastic bag, dakong 7:30 ng gabi, sa Barangay Kadjatan, Indanan.

Hulyo 16, 2016 nang dukutin si Almodavar ng Ajang-Ajang group sa Bgy. Asturias sa Jolo, at kalaunan ay inilipat sa kostudiya ng ASG na humingi naman ng P1 milyon ransom para sa pagpapalaya rito.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Una nang sinabi ng pamilya ni Almodavar na P100,000 lamang ang nalikom nila at umapela ng tulong sa gobyerno, ngunit bago pa man makumpleto ang ransom ay itinuloy na ng ASG ang banta nitong pupugutan si Almodavar dakong 3:00 ng hapon ng Agosto 24 kapag hindi naibigay ang pera.

MAG-INANG BIHAG, PINALAYA

Bago pugutan si Almodavar nitong Miyerkules, pinalaya ng ASG nitong Martes ang bihag nilang ginang at ang walong taong gulang na anak nitong lalaki.

Gayunman, nananatiling bihag ng grupo ang padre de pamilya ng mag-ina, na dinukot ng grupo noong unang bahagi ng nakaraang buwan.

Batay sa military report sa Zamboanga City, pinalaya ng ASG ang mag-inang Nora Awing at Ricson Romoc sa isang hindi tinukoy na lugar sa Sulu, bagamat nananatiling bihag ang asawa ni Nora na si Elmer Romoc.

Kawani sa munisipyo ng payao si Elmer habang pinangangasiwaan naman ni Nora ang dalawa nilang maliliit na tindahan.

Ayon sa mga hindi kumpirmadong ulat, nagbayad ng ransom ang pamilya Romoc kaya napalaya ang mag-ina, at sinasabing nakatuloy na ngayon sa isang kaanak sa Siay, Sibugay. (NONOY E. LACSON)