KAMAKAILAN lang ay tinalakay natin ang dumaraming “habal-habal” motorcycle service sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Dahil sa matinding problema sa trapiko, walang nakikitang iba pang alternatibo ang mga commuter kung hindi tangkilikin ang serbisyo ng mga habal-habal rider na pumupuwesto sa mga commercial area, tulad ng Bonifacio Global Station (BGC), Makati Business District, at maging sa Ortigas Center.
Habang nakabitin ang operasyon ng GrabRide upang makabiyahe at magsakay ng mga pasahero, patuloy naman ang ilegal na operasyon ng mga tinaguriang “habal-habal” na kung sumingil ay daig pa ang mga limousine service.
Kahit sa maikling distansiya, tinataga ng habal-habal rider ang mga pasahero ng P30 hanggang P50 dahil alam nilang kapit sa patalim ang mga ito upang mapakapag-punch in ng time card sa itinakdang oras.
Tinitiis ang usok at alikabok na kanilang nalalanghap sa araw-araw na pagsakay sa motorsiklo.
Sumasabak kahit alam nilang mapanganib ang pagsakay sa sasakyang may dalawang gulong lang. At kung mamalasin, dahil tanga ang rider sa paggamit ng motorsiklo, tiyak na semplang ang aabutin ninyo.
Nitong Martes, may nakatsikahan sina Kevin Moylan at Nat Taylor ng “gobounce!”, isang bagong app-based transport service na namamayagpag ngayon hindi lamang sa Metro Manila, kundi maging sa mga siyudad na nakararanas din ng matinding traffic, gaya ng Cebu at Davao City.
Kapuri-puri ang serbisyo na ipinagkakaloob ng gobounce! sa mga commuter.
Bukod sa magagalang at makikisig ang rider ng kanilang motorcycle service, obligado ang mga itong magbitbit ng “riding kit” na naglalaman ng head sock na isinusuot sa ulo upang hindi kumapit ang pawis sa helmet at face mask na kanilang ipinagagamit sa pasahero.
Kapag umuulan, libre ring ipinamimigay ng gobounce! ang disposal raincoat sa mga pasahero nito.
At dahil mahalaga sa kanila ang kaligtasan ng mga pasahero, obligado rin ang mga gobounce! rider na gumamit ng helmet na may ICC certification para sa kanilang pasahero.
Kung pagmamasdan n’yo ang mga “habal-habal” operator, ang gamit nila ay mga substandard helmet na tig-P50 ang isa at may itsurang arinola.
Kapag sumemplang, tamang-tama lang ang palpak na helmet upang paglagyan ng utak ng pasahero na kumalat sa kalsada.
Gamit ang app technology, madali at ang pagkuha ng gobounce! motorcycle service. Ang kakaibang feature ng gobounce!
app ay hindi nakikita ng rider ang cell phone number ng pasahero kaya napapanatili nito ang privacy.
O, ano pa ang hinihintay n’yo? Sakay na! (ARIS R. ILAGAN)