SINGAPORE (AP) – Nagsimula nang mamasada sa Singapore kahapon ang world’s first self-driving taxi.
Mga piling tao muna ang maaaring pumara sa libreng sakay gamit ang kanilang smartphone sa mga taxi na pinatatakbo ng nuTonomy, isang autonomous vehicle software startup.
Ang mga sasakyan – binagong Renault Zoe at Mitsubishi i-MiEV electrics — ay mayroong driver sa harap na handang muling kunin ang manibela at researcher sa likod na magbabantay sa mga computer ng kotse. Mayroon itong anim na set ng Lidar — isang detection system na gumagamit ng laser para gumana tulad ng radar at dalawang camera sa dashboard para mag-scan ng mga obstacle at mag-detect ng traffic light.
Ang nuTonomy, isang kumpanya ng 50 katao na may mga opisina sa Massachusetts at Singapore, ay binuo noong 2013 nina Karl Lagnemma at Emilio Frazzoli, mga researcher sa Massachusetts Institute of Technology na nag-aaral ng robotics at pagdebelop ng autonomous vehicles para sa Defense Department.