Muling pag-aaralan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang posibilidad na maisagawa sa Davao City ang 2019 hosting ng Southeast East Asian Games.
Ayon kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez, kaisa si Presidential Adviser on Sports Dennis Uy sa pagnanais ng Mindanaon na masaksihan ang paglarga ng pinakamalaking sports event sa rehiyon sa lungsod ng Davao at karatig na lalawigan.
“The presidential adviser wanted us to re-assess the possibility of hosting the 2019 SEA Games in Davao City,” sambit ni Ramirez.
“We will again sent a team, of which I will be joining also, for a second look on the possibility of hosting the SEA Games and possibly in helping in the construction of the sports facilities,” aniya.
Iginiit umano ni Dy na malaking tulong ang SEA Games sa Davao City para maipakita sa international community ang kagandahan ng lalawigan at mailapit ang Mindanao sa lokal at foreign tourist.
Ang Pangulong Rodrigo Duterte ang kauna-unahang pinuno ng bansa na nagmula sa Mindanao kung kaya’t malaking pagkakataon ng rehiyon na maibida ang natatanging kagandahan at kaunlaran.
Sa susunod na taon, kasado nang gaganapin sa Davao City ang ilang portion ng Miss Universe.
“Napakaganda ng Mindanao kaya’t napapanahon na makita ito ng ating mga kababayan, gayundin ng mga turista. Isa pa malaking tulong sa ekonomiya ng Mindanao ang ganitong mga programa,” ayon kay Ramirez.
Nagtungo na ang PSC team, sa pangunguna ni commissioner Arnold Agustin sa Davao para sa ocular inspection ng mga pasilidad.
“I’m just realistic. We will observe and re-assess all the facilities and to finally decide if we could really held the SEA Games in Mindanao,” sambit ni Ramirez. (Angie Oredo)