Tumanggi na si Senator Leila de Lima na magkomento sa huling akusasyon sa kanya na nasa unahan siya ng ‘drug matrix’ ng sindikato ng droga sa New Bilibid Prison (NBP), sa halip ay nakatutok daw muna siya sa kanyang trabaho.
“Alam n’yo ‘yung aking mga malalapit na kaibigan saka pamilya, ang advice nila sa akin huwag na daw po muna akong nagsasalita tungkol sa issue na ‘yan kasi parang walang katapusan,” ani De Lima.
Nitong Martes, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na si De Lima ang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan na may kaugnayan sa droga noong Justice Secretary pa ito, at kasabwat din umano ang kanyang undersecretary na si Francisco Baraan III.
“Ang pwede ko lang masabi ho ngayon I say it again, those accusations against my alleged drug links are complete falsehood and absolute lie,” ani De Lima.
Lalabas din ang katotohanan, reaksyon naman ni Baraan sa usapin.
“I respect our President, but I am powerless before him. All I ask is fairness and due process, a chance to vindicate myself in a formal proceeding,” ani Baraan na nagsabing hindi niya ma-imagine na sangkot siya sa droga. Labag umano ito sa Christian values na kanyang pinanghahawakan. (Leonel Abasola)