Dahil sa madalas um-absent nang walang makatuwirang dahilan, nagpasya ang Office of the Ombudsman na pagbakasyunin nang walang suweldo ang isang opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Davao Oriental.
Ayon sa Ombudsman, sinuspinde at walang tatanggaping suweldo sa loob ng isang taon si Provincial Agrarian Reform Adjudicator Romeo Covarrubias matapos mapatunayang nagkasala sa reklamong Disgraceful and Immoral Conduct nang ipakilala nito ang kinasamang babae bilang kanyang misis, at absenteeism matapos hindi makapagbigay ng rason sa mga pagliban sa trabaho.
Sa rekord ng kaso, pumasok lamang si Covarrubias sa trabaho mula Mayo hanggang Disyembre 2013 – nangangahulugang umabot lamang sa 65 working days ang kabuuang ng pagtrabaho nito sa loob ng walong buwan.
“He worked only for only 2 days in May, 9 days in June, 7 days in July, 8 days in August, 12 days in September, 14 days in October, 9 days in November and 4 days in December,” ayon sa anti-graft agency. (Rommel P. Tabbad)