IDINEKLARA ng Korte Suprema na labag sa batas ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2013, na sinundan ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Malacañang at ng Department of Budget and Management (DBM) noong 2015.
Ginamit ng administrasyon ang una upang maimpluwensiyahan ang mga mambabatas at ang ikalawa upang pondohan ang mga programa nang hindi na kinakailangang aprubahan ng Kongreso.
Matapos ang magkasunod na desisyon, mistulang ipinagpatuloy lang ng Malacañang at ng DBM ang mga kaparehong programa sa ibang paraan at gamit ang ibang katawagan. Sa halip na direktang ibigay ang pondo sa mga mambabatas para sa mga lokal na proyekto sa ilalim ng PDAF, inilunsad nila ang sistema ng Bottom-Up Budgeting, na hinihimok ang mga lokal na opisyal na magmungkahi ng mga proyektong ipatutupad ng isang ahensiya ng gobyerno, gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Natuklasan ni Sen. Panfilo Lacson ang malaking lump-sum appropriations sa panukalang 2015 national budget. Sinabi niyang may kabuuang P424 bilyon na walang partikular na proyektong pinaglaanan ang ipinagkaloob sa iba’t ibang sangay ng mga kagawaran, karamihan ay sa DPWH. Ang malalaking halaga, aniya, ay maaaring ilabas ng DBM kalaunan para ilaan sa isang proyekto ng isang kongresista o senador, halimbawa ay sa pamamagitan ng DPWH.
Mayroon ding programa ang Department of Finance na tinatawag na Unified Accounts Codified Structure (UACS) na may kabuuang P11 bilyon na inilaan para sa mga blangkong bagay na matutukoy lamang sa pamamagitan ng mga code number.
Ang lahat ng kaduda-dudang budget items ay lumalabas na lump sums, ayon kay Lacson. Posible kayang muling binubuhay ang naideklara nang ilegal na pork barrel funds, pagtataka niya. Nangako si Sen. Francis Escudero, noon ay chairman ng Senate Committee on Finance, na oobligahin ng Kongreso ang hindi pagpapalabas ng DBM ng pondo maliban na lamang kung nagsumite ang ahensiyang nangangailangan ng pondo ng detalyadong tala ng mga gagastusin. Ngunit nananatiling ideyal na sistema ang isang itemized budget.
Isinumite na ng bagong administrasyon ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang panukalang budget nito para sa 2017. At nakagugulat na natuklasan sa mga budget hearing ng House Committee on Appropriations na mayroon itong malalaking lump sums.
Inamin nitong Lunes ni Budget Secretary Benjamin Diokno na mayroon ngang lump sums sa panukalang budget na inihain ng DBM sa Kongreso, ngunit tiniyak niyang gagamitin ang mga ito para sa pagtataas ng suweldo ng mga kawani ng militar at pulisya at para sa pagpapagawa ng 47,000 bagong gusaling pampaaralan. Inusisa ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago ang tungkol sa P1.4 trilyon — nasa ikatlong bahagi ng buong budget — na ipinailalim sa Special Purpose Funds na, aniya, ay lump sums at discretionary sa kabuuan.
Magpapatuloy ang mga pagdinig sa Kamara bago isumite sa Senado ang panukalang budget. Sa panahong natapos na ang Kongreso ang mga pagdinig nito, umasa tayong ang lahat ng nasa lump sums ay may katumbas na detalyeng kaakibat nito.
Mauunawaan natin na ang ilang pondo ay kailangang itabi para sa mga hindi inaasahang gastos, gaya ng kapag naging matindi ang pinsala ng isang bagyo o iba pang kalamidad. Maaari rin namang manatiling lump sums ang mga ito, ngunit ang mga pondong inilaan para sa pag-uumento at pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan ay dapat na aktuwal na tukuyin upang maiwasan ang pagsususpetsa na posible itong mailipat kalaunan para sa pulitikal na interes.