ISANG babaeng may di-pangkaraniwang laki at bigat ng dibdib ang gagampanan ni Meryll Soriano sa Sabado, August 27 sa Wagas kasama si Marc Abaya.
Para sa ibang babae, biyaya ang pagkakaroon ng malaking dibdib. Subalit para kay Pilma (Meryll), tila isa itong sumpa. Isang misteryosong sakit na kung tawagin ay gigantomastia ang dumapo sa kanya na dahilan ng hindi pangkaraniwang paglaki at pagbigat ng kanyang dibdib. Umabot ang laki sa mahigit 63 pulgada at ang bigat ng bawat dibdib ay mahigit pa sa bigat ng isang sanggol.
Nagdusa si Pilma. Kinutya ng marami. Halos maubos ang lahat ng kanilang ipinundar para maipagamot si Pilma. Pero sa kabila ng lahat ng kanyang kalbaryo, hindi siya iniwan ng nag-iisang lalaking minahal niya — ang kanyang first love at asawang si Boy (Marc).
Ipapakita ng Wagas ang kuwento ng pag-ibig nina Pilma at Boy na nag-umpisa nang mabunot nila ang isa’t isa sa exchange gift. Limang taong gulang ang kanilang panganay nang unang may tumubong bukol sa kaliwang dibdib ni Pilma.
Pagkalipas ng isang taon ay pitong bukol naman ang tumubo sa kabila. Unti-unti na itong lumala at hindi na mapigilan ang paglaki.
Sa kabila ng hirap na dala ng misteryosong sakit at panghuhusga ng ibang tao, nanatiling matatag si Pilma dahil sa pagmamahal ng kanyang asawa.
Isang hindi malilimutang pagganap ang handog nina Meryll Soriano at Marc Abaya ngayong Sabado sa Wagas, 7 PM, sa GMA News TV.