TACLOBAN CITY, Leyte – Iginiit kahapon ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. ang kostudiya sa kanya ng Leyte Police Provincial Office (LPPO) at nangakong papangalanan ang matataas na opisyal ng gobyerno at ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa drug trade activities ng anak niyang si Kerwin Espinosa Jr.

Madaling araw kahapon nang sumugod si Mayor Espinosa sa himpilan ng LPPO sa Kuta Kankabato sa Barangay San Jose, Tacloban City upang makipagtulungan sa mga imbestigador kaugnay ng mga ilegal na aktibidad ng hindi pa rin sumusukong anak niya.

Sinabi ni Mayor Espinosa na handa siyang makipagtulungan sa mga pulis at pangalanan ang mga opisyal ng pulisya at gobyerno na sangkot sa kalakalan ng droga, ayon kay Albuera Police chief, Chief Insp. Jovie Espinido, na sumama sa alkalde patungo sa LPPO.

Iginiit din ni Mayor Espinosa na inosente siya sa mga paratang at tanging si Kerwin lang ang drug lord.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

Sumugod ang alkalde sa LPPO ilang oras makaraang pagbabarilin at mapatay ang abogado niyang si Atty. Rogelio G. Bato, Jr., 48, at ang 15-anyos na babaeng kasama nito, sa Bgy. 96, Calanipawan, Sagkahan District sa Tacloban City nitong Martes ng hapon.

Bagamat tumangging magkomento tungkol sa sinapit ng abogado ng kanyang pamilya, nagpahayag naman ng matinding takot ang alkalde para sa kanyang buhay, at idinagdag na nakatatanggap siya ng mga death threat.

Ayon kay Espinido, makikipagpulong sila sa provincial prosecutor upang malaman kung kuwalipikadong maging state witness ang alkalde laban sa ilegal na operasyon ni Kerwin at ng iba pang sangkot sa droga sa Eastern Visayas.

Ngunit dahil wala sa kanyang opisina si LPPO Director Senior Supt. Franco Simborio kahapon ng umaga, sinamahan na lang ni Espinido ang pamilya ni Mayor Espinosa sa Police Regional Office (PRO)-8 headquarters sa Camp Ruperto Kangleon sa Palo upang makausap si PRO-8 acting Director Chief Supt. Elmer C. Beltejar. (NESTOR L. ABREMATEA)