Nakahandusay at wala nang buhay ang isang lalaki na pinaniniwalaang pinatay ng vigilante sa Valenzuela City, noong Martes ng gabi.
Sa pamamagitan ng identification (ID) card na nakalagay sa kanyang wallet, kinilala ang biktima na si Jocel Santiago dela Cruz, 31, ng Barangay Malinta ng nasabing lungsod.
Sa report ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ang biktima ng pitong tama ng bala ng cal. 9mm sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nadiskubre ang bangkay ni Dela Cruz ng watchmen ng Barangay Malinta nang makita sa kalsada ng Governor Santiago Street, Bgy. Malinta, dakong 8:00 ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagkakapatay kay Dela Cruz. (Orly L. Barcala)