Hindi sapilitan ang pagtanggap na maging Kalihim ng isang kagawaran sa ilalim ng kasalukuyang Pamahalaan. Bawat isa ay may kalayaan ng loob na tanggihan ang alok ng Pangulo kung nanaisin. Minsan, kahit nga napangalanan na sa publiko, maaari pa ring magbago ng isip at umayaw ang taong naanyayahang sumama sa maituturing na “pamilya ng pangulo” sa pangangasiwa ng Sangay Ehekutibo. Halimbawa si Peter Laurel na unang napabalitang itinalagang Secretary of Education.

Hindi natin maiaalis na maraming bagay ang tinitimbang sa ganitong antas ng paninilbihan dahil siguradong mababawasan, halimbawa, ang oras sa pamilya, mawawala ang kinikita sa pribadong negosyo na kadalasan mas mataas kumpara sa serbisyo-publiko (liban kung tanging layunin ay magnakaw), magmamatrikula ka rin ng kalusugan dahil mas mabigat na pasanin ng taumbayan ang hinahanapan ng kaluwasan atbp.

Mahalagang katanungan ay magkahulma ba ang isa’t isa (pangulo at kalihim) ng mga plano, tukuyin, hakbang at iba pa.

para sa Republika? Nagkahulihan na ba ng ugali? At nagkapanatagan na rin kaya ng loob? Importante kasing ikintal sa isipan ng mga nasa Gabinete, na kapag sumapi ka na sa pamilya ng Palasyo, marapat lamang na humanay at umayos ka na.

Sa kasalukuyang klima na may pumupuna kay Pangulong Rodrigo Duterte, nasaan ka ba? Nagmimiron lang? Sintunado sa grupo? O, dumidiskarte ng solo para sa mas matayog na susungkiting luluklukan sa hinaharap? Hindi ka maaaring may sariling sagwan kontra sa kumpas ng Punong Tagapagpaganap. Mortal sin ang kumontra sa pangulo nang harapan, lalo kung naisigaw na niya ang kanyang desisyon sa publiko. Halimbawa, bakit iba yata ang tono ng isang kalihim diyan sa:

extrajudicial killings, human rights, pagpapalibing kay Marcos, Bangayan ni Pangulong Duterte at Sen. Leila de Lima?

Mas kagalang-galang pa ang tinuran ng mga “kaliwang” kalihim dahil tahimik lang silang “nagbubungkal” sa kani-kanilang tanggapan. Nauunawaan nila ang limitasyon kapag kasapi ka na sa Gabinete. Mamili ka nga naman – kung nais mo tuligsain ang presidente, mabuti pang bumitiw ka na lang sa tabi ni Digong. Wika nga, mas magalang pa ang matsing dahil marunong gumaya at sumunod.

(Erik Espina)