TALIWAS sa inaasahan ng katulad kong sumubaybay sa dalawang araw na Senate hearing hinggil sa sinasabing extrajudicial killings (EJK), hindi man lamang nasindak si Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, Director General ng Philippine National Police (PNP). Manapa, nasa taginting ng kanyang tinig ang hinahon ng isang pulis at tapang ng isang sundalo sa pagsagot niya sa tanong ng mga Senador, lalo na ni Sen. Leila de Lima. Sabi nga ng isa nating kapatid sa media: ‘Bato’ was on top of the situation.

Sa idinaos na pagdinig sa Senado, lumilitaw na ang mga mambabatas pa ang tila nasindak dahil sa mahigit na isang libong napatay na drug pusher at user suspect; bukod pa rito ang libu-libong mga sumukong sugapa sa ipinagbabawal na gamot. Lalo nang nabahala marahil ang mga Senador nang tiyakin ni De la Rosa na ang naturang mga bilang ay patuloy pang madadagdagan dahil sa pagpapaigting nila ng kampanya upang ganap na malipol ang problema sa droga at kriminalidad na bahagi ng programa ng Duterte administration. Magpapatuloy ang ganitong kampanya hanggang matamo ang tunay na drug-free Philippines.

Dahil sa paninindigang ito, lalong nalantad sa ginanap na Senate hearing ang mistulang kapabayaan ng nakaraang mga pangasiwaan, lalo na ng Aquino administration, sa paglipol ng pinakamalubhang salot ng lipunan – ang droga at kriminalidad. Hindi mapasusubalian ang katotohanan na walang naganap na puspusang pagsisikap upang tugisin ang mga drug pusher at user, lalo na ang mga drug lord na laging namamayagpag subalit hindi man lamang nasasalang ng mga alagad ng batas. Pati ang ilang local government officials na sinasabing kasangkot at protektor ng droga ay patuloy na naghahari.

Ngayon, ang mga ito ay hindi lamang tinukoy kundi inimbestigahan at ang iba ay kinasuhan na. At marami ang napipintong pangalanan ng kasalukuyang administrasyon. Maliwanag na walang sasantuhin sa kilusan laban sa droga, kriminalidad at mga katiwalian.

Pagkilala sa kabayanihan ng OFWs, idadaan sa ‘Konsyerto sa Palasyo’

Sa nabanggit na pagdinig, nalantad din ang malaking pagkakaiba ng mga Senate hearing noong nakaraang regime sa pagtestigo ng mga kabaro o ‘mistah’ ni De la Rosa; tila nangangapa sa mga sasabihin at halatang may sinusunod na kumpas mula sa mga awtoridad na dapat ingatang madawit sa isyung dinidinig sa Senado. Bunga nito, humihina ang mga testimonya at halata ang mga pagsisinungaling at paglulubid ng buhangin, wika nga.

Tama si Dela Rosa sa pagsasabi na walang dapat ikasindak at ikatakot sa paglalahad ng katotohanan. Umani siya ng papuri mula sa mga Senador at sambayanang Pilipino. (Celo Lagmay)