CARMONA, Cavite – Pakyawan ang naging trabaho ni jockey JB Hernandez. Ngunit, sapat ang lahat ng hirap sa espesyal na panalo sa espesyal na karera.

Hataw ang pamosong jockey sa sinakyang siyam na karera, tampok ang dalawang panalo kabilang ang laban ni Dewey Boulevard kontra sa mahigpit na karibal na Radio Active sa P1-million Centennial Classics race ng 8th Ramon Bagatsing Centennial Classique nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Tinawid ng Dewey Boulevard, isang tatlong taong colt na alaga ni Hermie Esguerra, ang finish line ng 1,750-meter course sa isang minuto at 50.2 segundo para angkinin ang karera na pinangasiwaan ng Manila Jockey Club bilang pagbibigay pugay sa namayapang si dating Manila Mayor Ramon Bagatsing, isa sa itinuturing na ambassador ng Philippine horseracing.

Ikinalugod ng organizer, sa pamumuno ni Atty. Dondon Bagatsing, anak ng dating Mayor, ang maalab na pagtangkilik ng sambayanan sa naturang programa.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“It was a success. There were long-shot winners and there were sure winners. There were favorites and there were underdogs in the lineup. We are grateful for the support of the racing public,” sambit ni Bagatsing.

Ito ang ikalawang panalo sa tatlong pakikipagtagisan ng Dewey Boulevard kontra Radio Active.

“I scored wins only later in the day. My competitors were very good early on,” pahayag ni Hernandez, nagwagi rin gabay ang Miss Dainty sa huling karera sa programa – ang Midas Hotel and Casino Cup race.

Paborito ang Dewey Boulevard sa 1st leg ng Triple Crown Series, ngunit nabigo sa Radio Active. Nakabawi ang una sa second leg.

Naiuwi ng Dewey Boulevard ang guaranteed purse na P600,000 habang tumanggap ang Radio Active ng P225,000.

Sa iba pang karera ng Bagatsing Festival, nagwagi ang Atomic Seventynine sakay si jockey AP Asuncion sa 2016 Resorts World Manila-Challenge of Champions Cup; habang nakuha ng Up and Away, sakay si jockey Oneil Cortez,

ang korona sa Pacific Online/City of Dreams ng Bagatsing Cup.

Nanaig naman ang Bite My Dust kontra Guanta Na Mera sa dikdikang laban sa 2016 Resorts World Manila race.