PATTANI, Thailand (AP) – Dalawang bomba ang sumabog malapit sa isang hotel sa magulong katimugan ng Thailand, na ikinamatay ng isang empleyado at ikinasugat ng 29 iba pa, sinabi ng pulisya at ng mga opisyal ng ospital nitong Miyerkules.
Nangyari ang pagsabog Martes ng gabi sa labas ng Southern Hotel sa Pattani, isa sa pinakamalaking bayan sa rehiyon na matindi ang labanan ng gobyerno at ng mga rebeldeng Muslim simula 2004. May 6,000 katao na ang namatay sa rebelyon.
Sumabog ang unang bomba sa car park ng hotel, ngunit walang nasaktan, ayon kay police Lt. Sirisak Wungkulum. Ang ikalawang bomba ay itinanim sa isang kotseng Isuzu at sumambulat makalipas ang 20 minuto sa harap ng hotel, na ikinamatay ng isang 25-anyos na empleyado ng restaurant ng hotel.
May 29 katao pa ang nasugatan, ayon sa isang ospital.