Dahil sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang kaso tulad ng pagpatay, pagbebenta ng droga at pangongotong, hindi napigilan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na araw-araw din pagbantaan ang kanyang mga tauhan.

Kung noong nakalipas na araw, sinabi nito sa mga pulis na mananagot ang mga ito kung sila ay nagkasala, kahapon, sinabi nito na kung masasangkot sa pagbebenta ng droga ang mga parak ay “dadalhin ko kayo sa impiyerno. Ihahatid ko kayo sa impiyerno.”

Talsik sa kotong

Kahapon din, sinibak sa pwesto ang isang police chief at buong anti-drug unit nito matapos na umano’y tangkaing kotongan ang drug suspect.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Chief, Senior Supt. Guillermo Eleazar, sinibak sa pwesto si Masambong Police Station (PS-2) Chief, Supt. Dario Añasco Jr. at si Station Anti-illegal Drugs (SAID) unit commander Senior Insp. Virgilio Cardona, dahil sa command responsibility, matapos na umano’y subukan ng kanilang tropa na mangotong.

Ang limang pulis ay nakilalang sina Senior Insp. Benjamin Mayor, SPO3 Archimedes Marzan, PO2 Alex Chocowen, PO1 Jeron de Dios at PO1 Michael Gragasin. Hinihingian umano ng mga ito ng P100,000 si Josephine Pineda, partner ng tricycle driver na si Zaldy Roda, na inaresto noong Sabado dahil sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Sina Mayor, Marzan at De Dios ang umaresto kay Roda, samantala na-turn over ito kina Gragasin at Chocowen. Si Gragasin ang nahuli sa entrapment operation nang tanggapin nito ang pera mula kay Pineda, kapalit ng kalayaan ni Roda. Ang pera ay paghahati-hatian umano ng lima, ayon kay Pineda.

Ang limang pulis ay nahaharap ngayon sa mga kasong robbery extortion at grave misconduct.

Imbestigasyon naman sa 4 Pasay police

Sa Pasay City police, apat na miyembro nito ang inalis sa pwesto at iniimbestigahan ngayon sa pagpatay sa pedicab driver noong Martes ng umaga.

Ayon kay Chief Insp. Joey Goforth, deputy police chief, nakilala ang mga pulis na sina Sr. Insp. Oscar Pagulayan, Police Community Precinct 2 commander; PO1’s Benigno Baladjay, Melford Olorosisimo at John Erwin Itaac.

Ito ay matapos na ihayag ni Rachel Bermoy, ng 1696 F. Munoz St., Barangay 43, Zone 6, Pasay City, na tinatakpan na ng kanyang asawang si Eric Sison, 22, ang kanyang mukha at sinasabi sa mga pulis na susuko na siya, ngunit pinaputukan pa rin ng maraming beses. (Fer Taboy, Vanne Elaine P. Terrazola at Jean Fernando)