NGAYONG araw, ipinagdiriwang ng mamamayan ng Uruguay ang kanilang Araw ng Kalayaan, ginugunita ang pagkakatatag ng bansa noong 1825 makaraang magdeklara ng kalayaan mula sa Brazil. Isa itong okasyon para sa kanila upang magbalik-tanaw sa nakaraan habang tinatahak ang bagong milyahe bilang bansa. Ang pagdiriwang, na madalas nagsisimula sa hapon ng Agosto 25 hanggang kinaumagahan ng kasunod na araw, ay tinatampukan ng mga talumpati, parada, musika, pagsasayaw, kasiyahan at iba pang nakakatuwang kaganapan, na ang pinakamakulay na pagdiriwang ay idinadaos sa kabisera ng bansa na Montevideo.

Oktubre 2009 nang naging laman ng mga balita ang Uruguay bilang unang bansa na naglaan ng laptop sa bawat estudyante sa primary school sa pamamagitan ng proyektong “Plan CEIBAL”. Nangangahulugan ang CEIBAL na “Conectividad Educativa de Informatica Basica para el Aprendizaje en Linea” (Educational Connectivity/Basic Computing for Online Learning).

Ang hindi pisikal na pagtuturo ay inihahatid mula sa mga pasilidad ng Argentina, Uruguay, Pilipinas, at United Kingdom.

Ang Uruguay, na opisyal na tinatawag na Oriental Republic of Uruguay, ay maliit na bansa na matatagpuan sa katimugang bahagi ng kontinente ng South America. Ito ay may hangganan sa Brazil sa hilaga at silangan, Argentina sa kanluran, at South Atlantic Ocean sa timog. Matatagpuan ang Montevideo, ang kabisera at pinakamalaking lungsod ng bansa, sa silangang baybayin ng Rio de la Plata. Ang mga tanawin nito ay kilala sa mga dalampasigan, kainan, at mga parke na may kapaligiran na klasikong Mediterranean. Paboritong lugar ito para sa paglalakad, pag-eehersisyo, at paglulunoy sa tubig nito.

Ang pinakaimportanteng tampok ng lungsod ay ang Plaza Independencia, na ihinihiwalay ang Ciudad Vieja (lumang bayan) mula sa bayan ng Montevideo. Isang travel site ang naglista ng mga kilala at kapansin-pansin na istruktura sa palibot ng Plaza. Kabilang dito ang stone getaway na Puerto de la Ciudadela (mga natira sa colonial citadel na giniba noong 1833); ang 19th century na Palacio Estevez; at ang 26-palapag na Palacio Salvo, ang pinakamataas na gusali sa kontinente nang binuksan noong 1927, at ang iba ay ang classic landmark ng Montevideo.

May Tanggapan ng Konsulado ang Oriental Republic of Uruguay sa Makati City habang ang Pilipinas ay may Tanggapan ng Konsulado sa Montevideo. Agosto 2011 nang muling pinag-ibayo ng Pilipinas ang ugnayan nito sa Uruguay sa pamamagitan ng pagtatag ng mga mekanismo para sa regular na mga bilateral consultation.

Binabati namin ang Mamamayan at ang Gobyerno ng Uruguay, na pinamumunaun ni President Tabare Vasquez, sa pagdiriwang nila ng anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.