ACCUMOLI, Italy (Reuters) – Pinadapa ng malakas na lindol ang mga gusali sa bulubunduking bahagi ng central Italy noong Miyerkules ng umaga, nakulong sa ilalim ng mga guho ang mga minalas na residente habang nagtakbuhan ang marami sa mga lansangan, at 21 katao ang kumpirmadong namatay.

Nagdulot ng matinding pinsala sa ilang bayan at pamayanan ang lindol ngunit hindi nito malubhang tinamaan ang matataong lugar.

Apat na bayan ang pinakaapektado – ang Accumoli, Amatrice, Posta at Arquata del Tronto.

“Now that daylight has come, we see that the situation is even more dreadful than we feared with buildings collapsed, people trapped under the rubble and no sound of life,” sabi ni Accumoli mayor Stefano Petrucci, sa RAI state broadcaster.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

“Three quarters of the town is not there anymore,” sabi naman ni Amatrice mayor Sergio Pirozzi. “The aim now is to save as many lives as possible. There are voices under the rubble, we have to save the people there.”

Nawasak ang ospital sa bayan at inilipat ang mga pasyente sa mga kalye.

Pininsala rin ng lindol ang mga bayan sa tatlong rehiyon - ang Umbria, Lazio at Marche.

Inihayag ng U.S. Geological Survey na magnitude 6.2 ang tumamang lindol dakong 3:36 ng umaga at nakasentro ito sa lungsod ng Norcia sa Umbria, isang maganda at makasaysayang lugar na dinarayo ng mga turista.

Ayon kay Mayor Nicola Alemanno, wala pang iniulat na namatay sa Norcia.

Naramdaman din ang pagyanig sa Rome, may 170 km mula sa epicenter, kung saan nagising ang mga residente sa pagduyan ng mga gusali.

Iniulat ng INGV ang 60 aftershocks sa loob ng apat na oras matapos ang unang pagyanig, ang pinakamalakas ay 5.5 magnitude.

Ang Italy ay daanan ng dalawang fault line, kayat isa ito sa mga bansa sa Europe na madalas magkaroon ng lindol.

Ang huling pinakamalakas na lindol na tumama sa bansa ay noong 2009 sa central city ng L’Aquila, na ikinamatay ng mahigit 300 katao.